Merrygalo Kami! Worksheets for Teachers

Isa sa mga paborito naming ginagawa sa Habi ang pagpo-prototype at paggawa ng mga worksheet na ginagamit namin sa aming mga klase, workshop, atbp. Malaking tulong sa amin ang paggamit ng mga worksheet dahil kapag maganda ang pagkakadisenyo nito, napapadali ang pagpapaliwanag ng ibang mga gawain, napapayaman ang input ng nagsasagot nito, at nakakatulong din sa pagdocument ng mga insight upang madali balikan ang mga ito pagkatapos.

Bilang pasasalamat sa inyong mga guro, na patuloy na pinagpapabuti ang inyong mga klase at paaralan, nais naming ibahagi sa inyo ngayong Pasko ang lima sa paborito naming worksheet. Kasama rin dito ang ilang tala at gabay kung paano ninyo maaaring gamitin ang mga ito sa loob o labas ng klasrum.

Balitaan niyo kami kung alin sa mga ito ang inyong nagustuhan. Sabik din kaming malaman kung paano ninyo ito gagamitin o ginamit sa inyong mga klase! Aabangan namin ang inyong mga kuwento at larawan sa aming email kumusta@habieducationlab.org.

Maligayang Pasko!


Empathy Map

Ang Empathy Map ay ginagamit upang makiramdam sa kalagayan ng ibang tao. Sa pamamagitan ng worksheet na ito, pagnilayan kung ano kanilang iniisip, ginagawa, nakikita, naririnig at sinasabi. Kadalasan itong ginagamit upang mailagay ang sarili sa sapatos ng iba.

I-Download ang PDF ng Empathy Map


Day in a Life

Ang “Day in a Life” ay isang paraan ng paglalarawan at pagsusuri ng mga gawain at pakiramdam ng tao sa isang araw. Gamit ang worksheet, maaaring i-plot ang iba-ibang gawain upang makabuo ng graph. Maaari ding gawing mas specific ang graph sa pamamagitan ng pagsusulat ng iba-ibang oras o numbered scoring para sa positibo at negatibong pakiramdam.

I-Download ang PDF ng Day in the Life


Roses, Thorns, Buds

Ang “Roses, Thorns, Buds” ay magagamit sa pagsasaayos ng mga idea o pakiramdam upang balikan ang isang karanasan o gawain. Isulat sa “roses” ang mga mabuti o positives, sa “thorns” naman ang mga hindi mabuti o painpoints, at sa “buds” naman ang mga possibilities. Nakakatulong ang “roses” at “thorns” upang makabuo ng mga bagong ideya o “buds.”

I-Download ang PDF ng Roses, Thorns, Buds


I Like, I Wish, What If

Ang “I Like, I Wish, What If” ay mga mindset na magagamit sa pagkuha ng feedback. Nakatutulong ito upang magkaroon ng mas malinaw at positibong structure ang pagkuha ng feedback.

I Like: Ano-ano ang nagustuhan mo?

I Wish: Ano ang iyong babaguhin?

What If: Mag-isip ng mga alternatibong idea na hango sa mga kakaibang konteksto

I-Download ang PDF ng I Like, I Wish, What If


Akala

Ang “Akala” worksheet ay ginagamit bilang mabilis na reflection activity. Bubuuin ng nagsasagot nito ang pangungusap na “Akala ko…” “‘Yun pala…”  para maipakita ang pagbabago sa pananaw o pag-iisip pagkatapos ng inyong discussion. Maaaring ibahagi sa buong grupo o kaya sa ilang mga kasali sa klase ang kanilang mga sagot. Gupitin ang worksheet na ito sa linya dahil maliit na piraso ng papel lang ang kailangan ng bawat nagsasagot.

I-Download ang PDF ng Akala

Author avatar
Ness Roque