Conversations about the role creative and collective resistance play in modern day heroism and activism
Overview
25 February 2022 | 21 min and 05s
Sa pagdiriwang natin ng anibersaryo ng People Power, ginugunita natin ang kabayanihan ng mga ordinaryong mamamayang tumindig para sa demokrasya. Kasama sina Jun Sabayton at Krishna Ariola ng Dakila, pinag-usapan namin sa episode na ito ang malikhaing aktibismo at ang mga modernong kabayanihan.
Transcript
Opening
MUSIC: Habi Intro Music
JPaul (voice over): Ngayong February 25, 2022, ang araw kung kailan namin inilabas ang episode na ito, ipinagdiriwang sa Pilipinas ang 36th Anniversary ng People Power. Sa araw na ito, ginugunita natin bilang bansa ang kadakilaang ipinakita ng mga Pilipino noong 1986 para tutulan at patalsikin ang isang diktador, at ibalik ang demokrasya sa ating bansa.
Nang magpunta sa mga kalye ang mga Pilipino para mapayapang magprotesta laban sa malawakang pandaraya sa eleksyon at karahasan ng pamahalaan ni Ferdinand Marcos, nagpakita sila ng malikhaing uri ng aktibismo
Hi! Ako si JPaul, isang learning experience designer ng Habi Education Lab. Sa episode na ito, pag-uusapan natin ang hitsura ng aktbisimo at kabayanihan ngayon, ang mga panganib ng pagiging isang aktibista, at ang mga puwede nating gawin para suportahan ang mga kabataan na tumindig at maging mga susunod na bayani. Para dito, nakipagkuwentuhan ako kina Jun Sabayton at Krishna Ariola, mga artist, advocate, at kasapi ng Dakila, tungkol sa aktibismo at mga modernong bayani. Tara, kilalanin natin sila.
Jun: Ako si Jun Sabayton, isang artist at kilala sa pangalang “Bayaw,” ’yung “Bayaw” character na isang trapong pulitko. Nakaugat ’yung aktibismo ko sa human rights at saka sa environmental movement ng Pilipinas.
Krishna: Ako po si Krishna, naka-base po ako sa Negros. I also practice art in different forms. But ’yung background ko talaga sa activism siguro ay ’yung work ko in the environmental and climate justice na field. Isa po ako sa founding convenors ng Youth for Climate Hope, which is the coalition that led the successful “Coal-free Negros Movement”. Up until now I’m working on the same field – environment, youth empowerment, tsaka dito din sa Dakila.
Jun: Eto ‘no, ang Dakila ay nagsimula lang sa mga inuman. Hindi, biro lang. [laugs] Pero ito ay nagsimula, I think mga 15, 16 years, or 17 years ago. Sinimulan ito ng mga artist din. Sina Leni Velasco, sina Tado (Jimenez), Ronnie Lazaro, at iba pa, sina Buhawi ng Parokya ni Edgar. Parang dati, “Philippine Artists Collective for Modern Heroism” at ngayon ay naging “Philippine Collective for Modern Heroism” na.
Krishna: Nag-widen na rin yung scope ng Dakila, not just artists but also youth, because we believe naman na ’yung creativity, hindi lang naman visual na art, but we also practice creativity in our everyday resistance. The way we innovate, you know, conversations like this, the way we communicate, the way we interact with our communities—siguro dun rin pumapasok ’yung pagiging creative natin at pagiging artists natin, kung paano siya tatawid sa ginagawa natin.
Hitsura ng Aktbisimo at Kabayanihan Ngayon
JPaul (voice over): Kapag sinabing “dakila”, madalas naiisip rin natin ’yung salitang “bayani”. At ito rin naman ang vision ng Dakila: na ang Pilipinas ay maging isang bansa ng mga Bayani. Kaya naman lahat ng efforts nila ay nakatuon sa pagpapalaganap ng kadakilaan para lumabas ang pagkabayani sa bawat Pilipino.
JPaul (voice over): Pero marami pa ring nag-iisip na ang mga bayani ay ’yung mga inaral natin sa Sibika at Kultura, ’yung mga taong naka-imprenta ang mukha sa pera. Sina Lapulapu, Apolinario Mabini, Sultan Kudarat, at iba pang Pinoy noong sinauna na nakipagdigma, kumalaban sa mga mananakop, namatay o gumawa ng mga kagilagilalas na bagay para sa inang bayan. Pero, ganito ba ’yung mga uri ng mga bayaning isinusulong ng Dakila?
[light guitar strums]
Krishna: When we say “bayani”, basically we often see it as Captain America, Spider-man, all these western concepts of heroes na very, you know, they’re gonna save the world. Medyo individualistic, sometimes to a fault; we’ve seen the movies diba? But siguro yung beautiful thing about when we talk about ”bayani”, “bayanihan”, “bayan”, ay if you look at Filipino psychology, sobrang rooted ng self natin in our community, hindi po separate ’yung loob natin sa kapwa natin.
Nakikita natin ’yung direct na link ng individual struggle natin sa struggle natin as a community, sa collective struggle. Yung pakikipag-kapwa natin can lead towards liberation for all, so ’yung bayani sa atin ay hindi isang, you know, Salvador del Mundo, hindi isang martir, kundi isang ordinaryong pilipino, ordinaryong mamamayan, ordinaryong kabataan na may iaambag sa bayan. At nakaka-empower siya because it doesn’t feel like an individual responsibility; nakikita mo na kasama natin dito yung kapwa natin sa bayanihan natin.
JPaul: Kung ganun yung tingin natin sa heroes at ’yun ’yung pagtingin natin sa heroism ngayon, ano ’yung mga concrete examples ng heroism ngayon sa pandemic na nakikita natin?
Krishna: Siguro ano, familiar sa ating lahat ’yung Community Pantries, diba? Yung “Tumindig” na bigla lang talagang inambagan ng lahat ng tao; kahit online ay we made that possible. Nangyari siya dahil lahat tayo parang nag-contribute doon.
Jun: ’Yung one week pa lang n’ung nag-lockdown, ang daming bayani. ’Yung mga artists, at ’yung mga tao, ’yung mga workers ay automatic na nag-o-organize sila para tugunan ’yung pangangailangan agad n’ung pag-lockdown. Sa akin, ’yung simpleng bagay na ginagawa n’ung mga tao n’ung [pandemic para tumulong], ‘yun na ‘yon eh, pagiging bayani na ‘yun eh. ’Yung mga artists ay tumutulong sa community, nagbebenta ng mga artwork para matugunan ’yung mga pangangailangan ng mga driver, tapos ’yun, nagtuloy-tuloy. Si Patring (Non) eh para naman dun sa mga tao, hanggang sa nanganak na, para matulungan ’yung mga magsasaka na hindi nabibili ’yung mga ani nila at binibili ng mga tao, mga community pantry.
Marami, no. Sa panahon ng (sakuna) naman, automatic ’yan sa tao, na pagiging bayani, di ba? At kahit sa mga simpleng pamamaraan, kahit hindi naman ’yan pandemic. Automatic ’yan at likas, ’yung pagiging bayani ano. Ito ’yung kabutihan, kabutihang loob, di ba? Parang gan’on naman ’yan eh.
[light piano keys being played]
Krishna: Ganda nga, Sir Jun, ng term mo na parang likas yung pagiging bayani sa atin. I think ’yun ’yung gusto natin i-ground talaga, at least sa Dakila, na hindi siya parang malaking achievement, or hindi siya malaking trabaho para maging bayani. Hindi siya self-sacrificial necessarily; likas siya eh, ’yung pang araw-araw natin na ginagawa. Nakikipag-kapwa tayo, ano na ’yun, part na ’yun ng pagiging bayani natin. Tapos ’yun ’yung nagawa eh, ’yun ’yung nakikita kong nangyari sa Tumindig, sa community pantries, na na-realize ng mga tao na, “Yy may capacity pala akong tumulong” you know?
Imagine-in natin ’yung sitwasyon na ’yun, at that time nag-lockdown ulit, there’s that feeling of parang powerlessness or hopelessness. Tapos may biglang na-feed na idea na, “Yy makakatulong pala ako, kahit sa maliit lang namin na purok or barangay, d’yan sa kanto namin may maliit na lamesa na pwede akong mag-ambag ng isang, ng dalawang noodles, or isang karton ng itlog diba? And nakita natin that when people see their capacity to help ay may nagbibigay talaga, kaya natin magbigay, kaya natin makipag-kapwa if marealize natin na araw-araw pala natin siyang nagagawa, at puwede natin siya magawa kasi likas siya sa atin eh.
Jun: Bayanihan—katulad ng sinabi mo kanina, ’yung bayani, bayanihan, mutual aid yan eh. ‘Pag tinagalog mo ’yung “mutual aid” ay “tulungan,” “tulong sa isa’t isa.” Bayani, bayanihan, at umiikot doon sa kabutihang loob. Minsan nga pinaguusapan namin sa loob ng Dakila na hindi pala maliit yung ‘loob’, minsan malaki pala yung ‘loob’, di ba? At yung ‘loob’ na iyon puwede pang mag-expand nang mag-expand.
Krishna: ’Yung dito po sa Negros, n’ung narinig namin na may pumasok na threat which is a proposal to build a 300 megawatt coal-fired power plant sa isang siyudad sa Negros, San Carlos city to be specific, naging instinctive or naging natural, naging likas nga sa amin na tumulong in our own capacity, and ano ba ’yung nalalaman namin about all the technicalities of renewable energy, or coal? But ’yung ano ang pwede namin maambag or matulong ay binigay namin, and it led to a movement. So it’s not necessarily na kami ang nagpanalo ng laban against sa coal-fired power plant, but it was a coming together of a community, which really is again leads back to bayani tsaka bayanihan. Iba-iba yung backgrounds natin, diverse tayo, iba-iba yung dinadala natin sa table, so because of that we were able to create a diverse approach na ang raming boses na napapakinggan, and that led to you know an initial success. And on March 6, 2019, the late Governor Alfredo Maranon, Jr. ng Negros Occidental, he signed EO 19-08 declaring Negros a coal-free province and a source of renewable energy.
Jun: Alam mo, Krishna, sa tuwing naririnig ko ’yan tsaka naalala ko ’yang movement na yan ay kinikilabutan talaga ako, kasi kabataan ’yung nanguna. ’Yung mga tao naman nga, tulad ng kanina, inulit ko lang, na likas naman sa atin ’yung ganyan, di ba? Mahirap maging mabuting tao, pero pinipilit ng mga tao na magpakabuti.
Mga Panganib ng Pagiging Isang Aktibista
JPaul (voice over): Malayo talaga ang mararating ng bayanihan at pakikipagkapwa, ano? Sa isang banda, maaari nating tingnan bilang aktibismo ang bayanihan dahil ito naman ay pagkilos, pagiging aktibo sa mga komunidad natin para sa ikabubuti na lahat. Pero, mukha yatang may bitbit ring masamang konotasyon ang aktibismo.
[light guitar strums]
Jun: Parang akala nila pag aktibista, ay parang magiging komunista ka, magiging,.. may gan’un ano eh. Dahil siguro paulit-ulit din na propaganda yan ng gobyerno, ng kung sino man. Sana hindi ganun, kasi hindi naman gan’un eh, hindi naman gan’un ’yung aktibismo eh, di ba? ’Yung maging active ka lang sa community mo, aktibismo na ’yun eh; ’yung tumutulong ka sa kapwa o sa loob mismo ng komunidad mo, kung paano niyo inaayos ’yung komunidad niyo, ’yun na rin ’yun eh, di ba? So ang lungkot lang, ang lungkot lang din isipin na may ganyang pagtingin.
Kasi sa totoo lang, Sir Jayps, NPA talaga ako… New Peoples of Art.
JPaul: New Peoples of Art! Ganda!
Krishna: Actually nga yung pinaka-unfortunate na nangyayari ’yung sariling pamilya ng mga kabataan ’yung nagre-red tag sa kanila kasi hindi naiintindihan. It’s not even the act of being red tagged, it’s the culture of fear na binubuo. May takot eh, may takot na, “Baka itakwila ko ng parents ko,” “Baka i-redtag ako.” Baka ganito, ganyan.
Jun: Di ba dati, parang pangre-red tag din yang pagiging bayani eh. Parang, “Hoy wag mo gawin ’yan kasi magiging bayani ka, mamatay ka.” Parang gan’yan, di ba? “Baka patayin ka nila.” Kasi dati bayani shaming din yang pagre-red tag, di ba? Parang gan’yan din ’yan. “Wala naman kasing pera dyan!” May mga ganyan pa eh.
JPaul: Parang, “Anong mapapala mo dyan?” Ganyan.
Jun: Merong ganyan di ba? “Wag kang magpaka-bayani!” Di ba, may ganyang pa na term nga mga pilipino? “Wag ka ngang magpaka-bayani dyan!”
JPaul: Bayani shaming… gets ko siya kung government o kaya people in power’yung nagpapakalat kasi sila yung magbe-benefit from it. Pero nakikita natin kahit… ’yung bayani shaming ginagawa siya ng mga ordinaryong mamayanan na hindi naman related –
Jun: Mga kaibigan mo, di ba?
JPaul: Mga kaibigan, oo… Bakit kaya? May ano kaya? Sa tingin n’yo, anong makukuha nila d’un sa pag-bayani shame sa kaibigan nila, sa ordinaryong ibang tao?
Krishna: Tumatahi siya sa sinasabi natin kanina na tinitignan pa rin nila ’yung pagka-bayani as the western hero kind of thing, na as if ginagawa mo yan para sa pansariling interes. So medyo individualistic parin yung paningin, pero tumatahi siya balik sa concept natin ng Filipino psychology na hindi naman individualistic eh, ang pagka-bayani. Actually ambag mo ’yun sa komunidad, hindi siya martir, hindi siya individual struggle. Akala nila you’re doing it for yourself or for personal gain, pero natural siya eh, likas nga siya, likas sa atin ’yung pagka-bayani.
Jun: Di ba, likas sa mga tao ’yung nagtutulungan, di ba.
JPaul: Naala ko tuloy yung kanta ng The Dawn, yung “Iisang Bangka”. At kwento siya na, ayun, lahat tayo iisang bangka, kabit-kabit ’yung bituka natin, magsu-succeed tayo kapag magtulungan tayo, sabay-sabay natin haharapin ang mga unos, yan. Doon umiikot ’yung kanta. Atsaka okay din.
Jun: Tsaka ang ganda ng pagkapaliwanag niya sa lyrics, Sir Jayps eh. Parang nagsimula sa parang unos, may kadiliman, kung nasa iisang bangka tayo, puwede tayo magtulungan na harapin ’yan. Pero ang alam mo Sir Jayps, tulungan din natin yung mga kabataan ngayon, kasi parang lagi na lang sa kanila ’yung pasanin eh, di ba? Kabataan—”pag-asa ng bayan,” “bahala na ’yung kabataan diyan;” dapat hindi natin iniiwanan ’yung mga kabataan na may burden palagi sa future nila di ba?
Suporta sa Mga Kabataan para maging mga Susunod na Bayani
JPaul (voice over): Tama nga naman si Jun. Kung nasa iisang bangka tayo, at kasama natin ang mga kabataan sa bangkang ito, at sila ang mga susunod na magsasagwan para sa ating lahat, kailangan nating magbayanihan para sa kanila. Heto ’yung ilang ideya nina Krishna at Jun.
[light guitar strums]
Krishna: Kapag nagpapakita ng interes ’yung kabataan sa pagsulat, sa paglikha, sa pag-join ng mga ganitong pagkilos, s’yempre importante pa rin yung support. Bumabalik palagi tayo sa pamilya eh, sa community, sa kapwa natin. So sobrang importante siya, na makita ng isang kabataan na sinusuportahan siya and that may trust sa judgement niya.
Jun: Pinagkakatiwalaan. Maganda rin sana na pagkakatiwalaan ng mga nauna sa ating henerasyon ang mga kabataan, kasi sila na ’yung papalit eh, sila na yung next sa pila eh, di ba?
Krishna: Totoo, naging kabataan rin po yung mga nauna sa atin, so alam ninyo po ’yung gigil ng mga kabataan. For me, ’yung pinaka puwedeng maibigay ng older generation sa mga kabataan is yung espasyo na mangarap, kasi doon naman naka-root ’yung isang tao, ’yung pagbigay ng ganitong espasyo para mangarap. Sobrang empowering talaga, kasi doon natin nahahanap ’yung ‘why,’ doon natin nahahanap ’yung ‘why’ natin, at actually doon tayo nanghuhugot ng lakas.
A nation is an imagined community. ’Yung future hindi lang naman ito something na patutunguhan natin kundi its something we actively shape and actively create. If its an imagined community, that means we need the artists, we need the dreamers, we need the young people with the ideas, big ideas, impossible ideas. Kasi if you are able to support the youth in this dream in creating a future that is not built on fear, is not built on violence, malaki at malayo ang mararating ng lipunan.
Jun: Ako’y iiwanan ko lang kayo ng isang katagang ating pagnilayon. Sa tingin ko dapat
“Ating liliparin, may harang mang sibat
Ating tatawirin, daluyong ng dagat
‘Pagka’t kasama mo ako, iisang bangka tayo”
JPaul (voice over): “Anuman ang mithiin ay makakamtan natin.” ’Yan ’yung katuloy ng chorus ng “Iisang Bangka” na binigkas ni Jun ngayon lang, na s’yang pag-uulit sa sinabi ni Krishna na malayo ang mararating natin.
Closing and Synthesis
MUSIC: Habi Hour Outro
JPaul (voice over): Napakasarap pangarapin ang isang bayang puno ng mga bayani. Kung kaya nating ibahin ang pagtingin natin sa pagiging bayani, na tayo mismo ay mga bayani na naghihintay lang lumabas, baka hindi na nga ito malayong pangarap. Simulan natin sa pagiging bayani at aktibista sa mga sarili nating paraan, komunidad, at larangan, alang-alang sa mga bayani kahapon, ngayon, at bukas.
Gerson (voice over): This episode was written, edited, and produced by Habi Education Lab. Original theme music by Howard Luistro. For more Habi Hour episodes, follow us on Spotify, Anchor, Google Podcasts, or visit https://habieducationlab.org/habihour. Salamat sa pakikinig. Thanks for listening.